"Kumbinasyon"
PhilBoxing.com
LAS VEGAS — Kumusta po kayong lahat. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan saan mang panig ng mundo kayo naroroon.
Opo, dumating na kami sa Las Vegas at ang pinakaaabangang laban ng taon ay halos ilang tulog na lang. Excited na po ako. Noong Lunes, kasama ang aking pamilya, kaibigan at ang buong kasapi ng Team Pacquiao, lumarga kami mula Los Angeles papunta rito sa siyudad ng Las Vegas upang makapagpahinga na at masanay sa klima ng lugar.
Sa Disyembre 6, sa magarang MGM Grand Arena, paiinitin namin ni Oscar "Golden Boy" Dela Hoya ang mala-winter na panahon dito dahil kailangan na naming wakasan ang "Dream Match." Sa laban na ito, maaaring mabigyan na ng tuldok ang kanyang career at magpapalaki sa akin bilang bagong hari ng pay-per-view, kaya pinag-iigihan ko pa rin ang ensayo.
Parang kailan lang, noong una akong pumunta ng Las Vegas mga pitong taon na ang nakalilipas, wala pang nakakakilala sa akin. Mangilan-ngilan lang ang bumabati sa akin sa lansangan dahil gumagawa pa lang ako ng pangalan sa larangan ng boxing. Noong una akong lumaban dito, nasa undercard lang ako ng laban ni Dela Hoya dahil pamalit lang ako sa isang injured fighter na siya dapat lalaban sa kinatatakutang si Lehlo Ledwaba ng Africa.
Hindi po siguro aksidente ang laban na iyon na sa MGM Grand din ginanap, dahil talaga namang pinaghusayan ko na manalo dahil alam ko, minsan lang ako mabibigyan ng ganoong tsansa. Dala na rin ng kahirapan at ang matinding hangad kong manalo at maiangat ang antas ng aking buhay, talagang nag-train ako ng puspusan at sa awa ng Panginoon, naipanalo ko ang ikalawang world title ko. Tatlo pang major belts ang aking nakuha mula noon. Opo, parang kailan lang ang lahat ng mga pangyayaring ito at parang mahirap paniwalaan.
Dati, wala pang malaking grupo ng mga tao ang sumasama sa akin, kahit na noong manalo ako kay Marco Antonio Barrera. Ngayon, malaki na ang pinagbago ng lahat.
Sa pagpunta pa lang naming lahat sa Las Vegas, sakay-sakay na kami ng isang malaking bus na may malaking pinta ng larawan ko. Sa mga daan papunta sa Las Vegas, maraming mga billboard ang nakakalat at kapag binuksan mo ang telebisyon, nandoon ako at si Ginoong Dela Hoya, nag-iimbita upang manood ang lahat sa aming laban. Sa labas ng MGM Grand, isang dambuhalang neon screen ang nagpapakita sa aming mga larawan at mga natapos na laban.
Halos lahat ng mga major na TV stations at diyaryo, mga wire services at mga internet websites ay nagsusulat at nag-uulat sa lahat, at inilalathala ang bawat naming kilos at galaw.
Pero hindi po ako nasisilaw sa lahat ng iyan—tagumpay, kayamanan, katanyagan. Alam ko, marami pa akong dapat gawin at kaya naman, ginagawa ko lahat ang aking makakaya upang lalong matupad ko ang aking mga ibang pangarap na ngayon pa lang namumukadkad.
Sana, kasabay ko kayo sa pag-asinta sa malaking tsansa na talunin ang Golden Boy. Sana, ipagpatuloy pa rin ninyo ang pananalangin at magka-ugnay-ugnay tayong lahat sa pagpapanalo ng labang ito.
Hanggang sa muling Kumbinasyon. God Bless Us All.
0 comments:
Post a Comment